Aking Perlas

Francis Morilao

Mula sa malambot mong pisngi,
Angking gandang natatangi;
Gaya ng perlas na kakaibang lahi,
Ningning na namumukod tangi.

Tunay na ganda na sa loob nagmula,
Nililok ng panahong tama;
Pag-ibig ko’y nabuhay na bigla,
Nang masilayan ang iyong mukha.

Sa kumpas ng iyong mga ngiti,
Ako’y lubhang nabighani;
Hindi ko maikubli,
Ang kilig na nananatili.

Pangarap ko’y makilala ka nang lubusan,
Maranasan ang minsan nang nakalimutan;
Ang magmahal muli ng totohanan,
Tunay at walang pag-aalinlangan.

Nais kong hawakan ang iyong mga kamay,
Damhin ang luksong nananalaytay;
Aking kaligayahang walang kapantay,
Na dadalhin ko hanggang sa paghimlay.

Dalangin ko sa Maykapal,
Damdamin mo sa akin ay maging bukal;
Patuloy ang daloy ng perlas na espesyal,
Mula sa pusong handang muling magmahal.

Hindi man ngayon,
Dahil may tamang panahon;
Tulad ng perlas na matagal inipon,
Pag-ibig ko’y hihintayin iyon.

Sa panahong sa iyo’y nangungulila,
Kapag hindi ka nakakausap sa tuwina;
Kalungkutan ang bumabalot sa damdaming aba,
Titingala na nga lang sa langit at magsasabi ng…
sana.


Tungkol kay Francis Morilao

Nagsimula bilang si Makatang Kiko ng Mga Kathang Isip ni Kiko sa mundo ng blogging.
Home About Me! Contact Me! Read More Tula! View my Designs!


Creative Commons LicenseAking Perlas is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License. Based on a work at Mga Tula ni Francis Morilao. Permissions beyond the scope of this license may be available at the site's Permission Page.