Alab Tula ng Pag-ibig

Francis Morilao

Pusong minsang naging sugatan, sakit at dusang minsang naramdaman;
Pilit ginugustong kalimutan, upang bagong pag-ibig ay mapagbigyan.

Sa bawat titig na may kasamang nasa, pilantik nitong dala ng kanyang mga mata;
Sa saliw ng indak ng kanyang romansa, nais kumawala, nais nang lumaya.

Tibok ng puso’y muling naramdaman, nang siya’y makita sa may kalayuan;
At nang mga mata’y nagkatitigan, pantasyang hatid ang kanyang nasumpungan.

Pag-ibig at pagsuyo’y naglalaro sa isipan, nais ipahayag, nais isakatuparan;
Ngunit ano ang tamang paraan? tanong sa bituin sa madilim na kalawakan.

Gusto kita ang nasambit na bigla, nang minsang isang araw na sila’y magkita;
Pagkatapos ay wala nang lumabas na salita, at tanging nag-usap na lamang ang kanilang mga mata.

Tibok ng puso ba’y muling pagbibigyan? tanong nitong dalaga sa kanyang kaibigan;
Totoo kaya ang nararamdaman? o paghanga at pagkahibang lamang.

Alab ng pag-ibig na kanyang nararanasan, nakakapaso nakakahibang;
Sa isang binatang saksakan ng yabang, nasasabihan siyang lumalabas ang kalandian.

Kasalanan bang umibig ng sobra? tanong muli nitong ating dalaga;
Wala na ba akong karapatang lumigaya? pati pag-ibig ko’y madaming humuhusga.

Tunay sa sarili ko ang nararamdaman, totoong sa kanya ako ay nahihibang;
Pantasyang nauwi sa katotohanan, tunay na pag-ibig nawa’y pagbigyan.

Alab ng pag-ibig hindi mapigilan, hinahanap hanap ang kinababaliwan;
Sa bugso ng damdaming minsang luhaan, ngayon sana ay muling pagbigyan.


Iba Pang Babasahin:

Tungkol kay Francis Morilao

Nagsimula bilang si Makatang Kiko ng Mga Kathang Isip ni Kiko sa mundo ng blogging.
Home About Me! Contact Me! Read More Tula! View my Designs!


Creative Commons LicenseAlab Tula ng Pag-ibig is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License. Based on a work at Mga Tula ni Francis Morilao. Permissions beyond the scope of this license may be available at the site's Permission Page.

2 Comments

  1. jondmur

    ang pag ibig talaga di mapipigilan.. ganda ng tula ^^

    1. Francis

      wow idol jondmur! salamat sa muling pagbisita sa akin

Comments are closed.