Goodbye is painful

Binalot ng Lumbay

Francis Morilao

Saan ka pupunta?
Tanong kong may pag-aalala,
Diyan lang sabi mo at gustong mapagisa.

Lumipas ang araw nang walang paramdam,
Tila ‘sang taon na ang nagdaan;
Sa kakaisip, sa diwa ay nabanggit,
Ikaw pa kaya, sa akin ay magbabalik?

Bakit hindi sabihin sa akin?
Ang lungkot sa iyong mga mata;
Banggitin ang tunay na nadarama,
Baka sakaling ikaw’y guminhawa.

Ikaw ang nagsimula nito,
Ngayon gusto mong tapusin?
Ako ngayon’y litong lito,
Sobrang nasasaktan ang aking puso.

Ang pag-ibig ay isang ilusyon,
Na dapat ko nang kalimutan;
Ngunit may gumugulo dito sa aking isipan,
Ako nga ba’y minahal mo ng lubusan?

Tuluyan nang anino mo ay nawala,
Kahit bakas ng alaala ay nalimot na talaga;
Pag-ibig noon na sobrang tamis,
Ngayon naman’y napalitan ng pagtangis.

Binalot ng lumbay itong isipan,
Sa malayong lugar, tulala sa kawalan;
Nais ng puso ko’y magpahinga’t pumikit,
Mawalan ng ramdam kahit na saglit.

Alam kong hindi ka na magbabalik,
Hindi na matitikman ang tamis ng iyong halik;
‘Di na madarama ang yakap mong mahigpit,
Ngunit tuloy pa rin ang puso ko na isasambit,
Mahal kita kahit na walang kapalit.

Katangahan nga ba itong aking nadarama?
O pag-ibig na wagas na sa puso nagmumula;
Kahit na ilang ulit na masaktan,
Patuloy ang tibok kung kinakailangan.


Iba Pang Babasahin:

Tungkol kay Francis Morilao

Nagsimula bilang si Makatang Kiko ng Mga Kathang Isip ni Kiko sa mundo ng blogging.
Home About Me! Contact Me! Read More Tula! View my Designs!


Creative Commons LicenseBinalot ng Lumbay is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License. Based on a work at Mga Tula ni Francis Morilao. Permissions beyond the scope of this license may be available at the site's Permission Page.