Tiwala, Pagmamahal at Tadhana Ligaya't Pag-ibig Ko'y Ikaw

Francis Morilao

Sa buhay natin ay mararanasan,
Pagmamahal na hindi pangkaraniwan;
Handang ibigay ang lahat ng kailangan,
Upang tunay na pag-ibig ay mapatunayan.

Sa iba’y materyal na bagay,
Sa iba nama’y panibagong buhay;
Buhay na binago ng pag-ibig na tunay,
Na siyang inspirasyon at nagsisilbing gabay.

Kaakibat ng pagmamahal ay tiwala,
Tiwalang ibinibigay ng kusa;
Maging ano at sino ka man,
Tiwala’y nagpapatibay ng pagmamahalan.

Kasunod nito’y Tadhana,
Mula sa kawalan darating na bigla;
Nakakagulat na hindi mo kilala,
Ngunit magpapatibok ng puso mo na pala.

Pag-ibig na mararanasan,
Bigyang daan at huwag pigilan;
Kakaibang ligaya ang mararamdaman,
Na tanging ang puso lang ang nakakaalam.

Sino nga ba ang hindi marunong umibig?
Sino ang sa atin ay manhid?
Ang pagtibok ng puso nga ba ay ganon na lamang?
O ito’y mayroong kakaibang katangian.

Ngiti sa labi nakita sa iyong mukha,
Sa kumpas ng hangin buhok mo’y nag-iba;
At sa pagkurap ng iyong mga mata,
May kung anong pintig sa puso mo nagmula.

Sa pagkakatitig ay lubhang nahinuha,
Mga pangyayaring sa hinaharap ay nabigla;
Silang dal’wa ay magkayap na pala,
Pagpikit ng mata ay nasa alapaap na.

Sa paglipas ng panahon pag-ibig ay naparam,
Pakiramdam ng bawat isa ay tila nagkakasawaan;
At ang tanging natitira na lamang,
Ay tiwala at pagmamahal na s’yang nasimulan.

Saka muling itatanong sa gilid ng mga luha,
Siya nga ba talaga itong tadhana?
O isang karanasang magsisilbing ala-ala,
Ng isang masayang pag-ibig na nauwi sa wala.

Sa pagdalaw ng gabi sa madilim na silid,
Nabalutan ng antok ang hikbing walang patid;
Kalungkutan ay humabol pati sa panaginip,
Hanggang sa paggising, luha ay pinahid.

At sa pagsikat nitong bagong umaga,
Pag-asang hatid sa pusong aba;
Pag-ibig na minsang naranasan,
Muling magbabalik ng inaasahan.

Bagong pag-ibig man ang dumating,
O s’yang magbabalik na kapiling;
Tugon ng Maykapal sa bawat daing,
Tunay na biyayang hatid ng panalangin.

At kung tunay nga ang pag-ibig na darating,
Tiwala at pagmamahal ay muling alalahanin;
Tadhanang sa Diyos na syang hiniling,
Makasamang masaya hanggang sa libing.


Iba Pang Babasahin:

Tungkol kay Francis Morilao

Nagsimula bilang si Makatang Kiko ng Mga Kathang Isip ni Kiko sa mundo ng blogging.
Home About Me! Contact Me! Read More Tula! View my Designs!


Creative Commons LicenseTiwala, Pagmamahal at Tadhana Ligaya't Pag-ibig Ko'y Ikaw is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License. Based on a work at Mga Tula ni Francis Morilao. Permissions beyond the scope of this license may be available at the site's Permission Page.