Ulila Mahirap mag-isa

Francis Morilao

wala na si tatay na palaging naghihintay
wala na rin si nanay na parating sumasaway

wala namang kapatid na mapaghihingahan

walang ate na masayang kalambingan
walang kuya na pwedeng sumbungan

nag-iisa mula nang mamulat
kung may pagmamahal man ay masasabing salat

guhit sa mukha mula pagkabata
kailan kaya mapapalitan’t mabubura?

damdaming nasanay sa pagkabalisa
bunga ng hirap sa pag-iisa

pangarap tila ulap sa kalangitan
sa buong magdamag nakatitig na lamang

kalungkutang kaya namang mapawi
mula sa ngiti ng isang binibini

ang bisa ng layon na walang pagtanggi
kagyat na reaksyong walang pasubali

sa mundong ito na nakakabalisa
kapanatagan ang sigaw ng nakararaming ulila

ulilang minsan pang pinagkaitan ng tadhana
munting hiling lamang ay lubos na pang-unawa

at sa pagpikit nitong aking gabi
kalam na sikmura’y nakuha pang ikubli

at kung mamulat man ang iyong umaga
magpasalamat sa Diyos ‘pagkat mapalad ka

sa isang ulilang katulad ko
mistulang bulag sa pag-asa ng mundo

ano nga ba ang saya na dulot ng karangyaan?
kung ang nais na makamtan ay naisasantabi na lamang

pagnanasang hindi maipaliwanag
inaapuhap sa malawak na kawalan

maghapong maglalakad sa init ng araw
damdaming gustong kumawala at sumigaw

nasaan ang sa akin ay kulang?
tanong sa isip na may pag-aalinlangan

sa mundong itong walang kasiguruhan
tila lahat ay hindi mapagkakatiwalaan

masakit isiping sa isang parte ng buhay
naging ulila ka nang walang kamalaymalay


Ang Larawan ay kuha ni Michael Salvador
Flickr Account www.flickr.com/people/mako_md/
Original Photo Link www.flickr.com/photos/mako_md/4236616791/


Iba Pang Babasahin:

Tungkol kay Francis Morilao

Nagsimula bilang si Makatang Kiko ng Mga Kathang Isip ni Kiko sa mundo ng blogging.
Home About Me! Contact Me! Read More Tula! View my Designs!


Creative Commons LicenseUlila Mahirap mag-isa is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License. Based on a work at Mga Tula ni Francis Morilao. Permissions beyond the scope of this license may be available at the site's Permission Page.

1 Comments

  1. iya_khin

    di man ako ulila na literal pero somewhat parang ganun na din…haaisst… naulila ako ng walang kamalay-malay

Comments are closed.